Thursday, December 10, 2009

Withdrawal Syndrome


Sa isang sulok puno ng alikabok
Damdamin nag-iinit at nagngingitngit
Nakayuko’t sabukot ang buhok
Maraming iniisip ngunit walang maalala
Nag-huhumiyaw buong sistema’y sindak
Mula sa bangungot ng munting ala-ala

Maalinsangan ang buong paligid
Mistulang lungga ng damuhong daga
Hindi matahinik katawang nanlilimahid
Tila walang pakialam sa buong daigdig
Pag-katao’y nilamon ng utak na manhid
Bulong ng halimaw pilit nag-uusig

Ibat-ibang tinig waring bumubulong
Pilit tinatakasan ang multong taga-usig
Katawa’y nagawang maghimagsik
Hanggang sa gumuho ang daigdig
Sanhi ng mga halimaw na tulig
Isipa’t sistema’y bumigay sa problemang kipkip

Sa gilid ng lumang kama
Nakayuko’t sabukot ang buhok
Isang basong likido pilit nilunok
Sistemang sindak tuluyang bumagsak
Bangungot ng munting ala-ala
Sa gilid ng lumang kama ay payapang payapa na…

No comments:

Post a Comment